top of page
Writer's pictureOgtong Adlaw

Rice Tarrification Law: Isang makabagong kanser sa puso

Ni Tricia Kylle Dinoy

Umaaray ang mga magsasaka dahil sa pagpapatupad ng Rice Tarrification Law na inilunsad ng pamahalaan. Mga magsasaka na siyang nagbibigay sa mga mamamayan ng bigas na kanilang makakakain. Hindi na nila kailangan maghirap para may kainin ngunit ang mga magsasakang siyang nagpapakahirap ay siyang naghihirap at walang makain. Nakakapagtaka ba? Malamang! Ngunit sino nga ba ang dapat sisihin? May magagawa ba tayo? Wala! Dahil katulad lamang tayo ng mga magsasakang kawawa at walang magawa. Ang Rice Tarrification Law ay ang makabagong bersyon ng 20 taong gulang na Agricultural Tariffication Act of 1996 na isinabatas para pigilan ang patuloy na pagtaas ng implasyon. At ang batas na ito ay walang mga pagbabawal sa foreign imports kaya malaya ang mga foreign businessman na magkapagpasok ng mga imported at murang mga produkto na galing sa kanilang bansa. Ito ay nagdudulot ng panibagong kompetisyon sa pagitan ng imported na produkto laban sa produktong lokal mula sa pilipinas. At syempre dahil mas mura ang imported na bigas, mas maraming mamamayan ang tumangkilik sa imported na produkto kaysa sa lokal na nagdulot ng napakalaking epekto sa mga lokal na magsasaka. Sa pagpapatupad nito, maraming mga mamamamayan ang nananawagan para sa pagbabago o tuluyang pagwawalang-bisa ng batas ng liberalisido ang pag-import ng bigas na kung saan ay sinisisi sa pag-aaklas ng mga presyo ng palay sa mga lokal na magsasaka. Mga magsasakang wala na ngang magawa ay sinisisi pa. Bakit kailangan nilang sisihin ang mga magsasaka? Dahil ba wala na silang pondo para itaguyod pa ang sinimulan nila? Mabilisang bumaba ang presyo ng lokal na bigas dahil sa pagdating ng mga imported na bigas at mas mura. At dahil dito karamihan sa mga magsasaka ay namomroblema sa kung saan kukuha ng pondo para sa kanilang pamumuhunan. Lugmok na nga sila sa hirap, mas hihirap pa ba ang buhay nila? Ang mga magsasaka ay namumuhay lamang ng simple. Kapag sila ay tatanim sila ay may aanihin at sa ani nagmumula ang kanilang kita. Ngunit ngayon ay unti-unti nang nagbabago ang simple pamumuhay na kanilang kinagisnan. Ngayon, imbis na sila ay magtanim, kailangan pa nilang maghanap ng pandagdag kita para sa kabuhayan nila. Marami narin ang tumigil na sa pagsasaka at naghanap na lamang ng ibang trabaho kung saan ay makakakita sila ng mas malaki kaysa sa kita nila sa pagsasaka. At ang nakakatakot doon ay unti-unti na ring nawawala ang mga taong nagbibigay sa ating ng ating makakain sa araw-araw. Isipin mo. Paano nalang kung may pinapaaral din sila? Paano nalang kung may kailangan silang tustusan para mabuhay? Paano nalang kung may sakit ang kanilang kapamilya? Nakakalungkot hindi ba? Pero wala na tayong magagawa. Ano na ang nangyayari sa ating bansa? Ano pa ba ang mas importante kaysa sa mga mamamayan na siya ngayon ang kawawa? Hindi ba ay dapat sila ang unahin ng pamahalaan? Ngunit tingnan mo ngayon! Nasaan ang pagbabago? Tila mas lalong lumala! Ika nga nila, habang may buhay may pag-asa, pero pano kung ang tanging pag-asa ng bayan ay siyang unti-unting nawawalan ng buhay? Paano na ang kinabukasan? Paano na ang ating bayan?

26 views0 comments

Comentários


bottom of page